Pagkakaibigan.
Ito marahil ay
isa sa mga salitang alam nang lahat. Marami itong pakahulugan. Marami itong
ibig sabihin. Marami itong nais iparating. Ngunit, bigkasin mo ito sa isang tao
at iisa lamang ang maiisip nito at iyon ay iyong mga taong kanyang minamahal,
iniingatan, at pinahahalagahan. Kahit sino ay alam at siguradong maiintindihan
ang salitang ito kaya naman maganda siguro kung ito ang gagamitin ko para
ipaliwanag ang buhay ko dito sa seminaryo.
Naalala ko ang
isang pagkakataon kung saan sa bigat ng aking nararamdaman ay parang ayaw ko
nang bumalik. Hapon noon ng huling araw ng bakasyon ngunit hindi ko pa rin
magawang maghanda para sa pagbalik dito sa seminaryo. Napilitan na lamang ako nang
ako’y tulungan ng nanay ko.
Isa ang
pagkakaibigan sa mga yaman na iniingatan at pinahahalagahan dito sa seminaryo.
Kung susumahin, ito ang dahilan kung bakit ang isang gaya ko na dapat ay
matagal nang lumabas ng seminaryo dahil sa mga problema ay nagagawa pa ring
magpatuloy. Kung wala akong mga kaibigan dito, tiyak na ako ngayo’y hindi
nagsusulat nito dito sa aking mesa.
Una akong
pumasok ng seminaryo para baguhin ang buhay ko. Sinabi ko noon sa sarili ko
natatapusin ko lamang ang isang taong pormasyon ko sa Pagbilao at magsisimula
na ako nang panibago sa mga natutunan ko pero ang mga kaligayahan at kasayahang
idinulot ng mga bago kong kaibigan ang aking malaking rason para ituloy ang
buhay na pinasukan ko. Masayang magkaroon ng kaibigan at ito ang ibinigay sa
akin ng seminaryo na kahit kelan ay hinding hindi ko matatawaran.
Pumasok ako
dito sa college at dito ko mas naintindihan ang kahulugan at kahalagahan ng
pagkakaibigan. Dito sa college, ang kasayahan ay nagmumula sa buong komunidad.
Isipin nyo na lamang kung paano kayo nagiging masaya sa dalawa o tatlong kasama
ay mas sasaya ka kung nakatira ka sa isang lugar, kumakain, tumutulog,
nag-aaral, naglalaro at nagsasaya nang may walampu’t pitong kasama. Iba ang
saya sa buhay ko dito at ito’y kahit na kailan ay hinding-hindi ko ipagpapalit
sa kahit na anong bagay.
Ang buhay seminaryo
ay buhay pormasyon. Ang buhay ng isang pari ang ipinakikita dito kaya naman ang
hirap at mga problema ay mga bagay na hayagang ipinararanas at ipinapakita sa
isang seminarista. Malungkot mawalay sa pamilya. Malungkot magtiis ng hindi
sila nakakasama. Mahirap mabuhay ng iniintindi mo ang sarili mo habang ginagawa
mo ang mga bagay na kailangan mo. Mahirap mabuhay lalo na kung hindi nasusunod
ang mga kagustuhan mo. Mahirap magtiis ng hirap. Oo, ito nga ang buhay, pero sa
bandang huli, lagi namang may katabing kaibigan.
Buong biyahe
akong tulala at nag-iisip ng maraming bagay. Noon pa nga ay pinangarap kong
maaksidente wag lamang akong makabalik. Tumigil ang sasakyan sa tapat ng semianryo
pero ayaw ko pa ring bumaba. Maliit na bag lang ang bitbit ko pero parang ilang
sakong bato ang nakasilid dito. Noon ko nakasalubong ang isa kong ka-seminarista,
nakasimangot at kunot na kunot ang noo at sinabi niyang: “Tara na lalabas!”
Noon ko mas
naintindihan ang mga bagay-bagay. Noon ko mas naunawaan at mas pinahalagahan
ang pagkakaibigan.
Oo nga,
mahirap ang buhay at talagang mahirap pero nakakayanan mo naman dahil may
kaibigan ka, mga kaibigang katulad mo ring nahihirapan. Mga kaibigang kasama mong
nakakaranas ng sakit at lungkot. May kaibigan kang aakay sayo kapag napagod ka
o di kaya ay babagalan ang lakad kapag mabagal ka.
Oo nga,
mahirap, pero tiyak namang hindi ka mag-iisa. Kaya naman nga, saan ka pa
pupunta? Dito ka na! Kaibigan.
Ngumiti ako
nang marinig ko ang mga salitang iyon at bumalik ng may hindi matawarang
kaligayahan. (Vocation Campaign essay written for LSO Newsletter last October 16, 2016)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento