Author's note:

Author's note:

Biyernes, Enero 27, 2017

"Rosaryo"

Unang una, lubos po ang aking kagalakan dahil para sa akin, isang malaking karangalan ang bagay na ito, ang mabigyan ng pagkakataon na ibahagi sa inyo ang aking nalalaman tungkol sa Mahal na Birheng Maria, lalong lalo na sa kanyang Rosaryo. Ako ay nagdarasal sa kanya na sana sa pamamagitan nito ay maibahagi ko ang mga kahalagahan nito at nang pagdarasal nito.

Para malaman ang kahalagahan nito sa ating mga layko, maganda po na tayo’y magsimula muna sa kasaysayan nito, sa kung paano ito lumaganap at nagsimula.

Hindi man po malinaw ang tunay na pinagmulan nito at nang pagdarasal nito, ang hawak po nang simbahan na basehan nito ay noong ika labintatlong siglo, na ang Mahal na Birheng Maria ay nagpakita kay Santo Domingo at kay Blessed Alan de Roche, habang binabanggit ang mga bagay tungkol sa paglaganap ng debosyong ito.  Noon pong mga panahong iyon ay laganap na ang pagdarasal ng mga monghe ng mga salmo na makikita natin sa ating bibliya. Sinasabi po na ang pagpapalaganap ng pagdarasal ng Santo Rosaryo ay para matulungan tayong mga mananampalataya sa pagpapalago ng ating buhay espiritwal sa pamamagitan ng pagkakaroon nang pang araw araw na pananalangin.

Ang istruktura po nang kumpletong rosaryo ay binubuo nang labinlimang dekada, at ang dekada pong sinasabi ko ay tumutukoy sa 10 aba ginoong maria na pinangungunahan ng isang ama namin at nagtatapos sa isang luwalhati at ang bawat isang dekada po ay umuugnay sa isang mysteryo mula sa buhay ni Kristo. Noong una po, noong hindi pa naitatatag ang mga misteryo nang liwanag ay meron lamang tatlong misteryo at ito nga ay ang mga misteryo ng tuwa, hapis at luwalhati kaya naman noon, ang kabuuan ng santo rosaryo ay binubuo ng labinlimang dekada. Ito po ay kasing dami ng salmo sa ating bibliya, na 150 din kaya naman tinatawag din ang Santo Rosaryo bilang “mga Salmo ni Maria”.

Ito po ang maiksing paglalahad nang kasaysayan at istruktura nang Santo Rosaryo. Ngayon po, akin namang ilalahad ang kahalagahan ng pagdarasal ng Santo Rosaryo.

Bakit po ba tayo nagdarasal ng Santo Rosaryo? Bakit po ba kailangan natin ito kailangang dasalin? Bakit po ba ang Santo Rosaryo ay mahalaga sa buhay natin bilang mga mananampalatayang Kristiyano?

Unang una, tayo po ay nagdarasal nito, at patuloy na nagdarasal nito, sapagkat ito po ay gumagana. Hindi po natin gagawin nang paulit ulit ang isang bagay kung ito naman ay walang naidudulot na mabuti sa atin o sa ating kapwa di po ba? Syempre, nagdarasal po tayo nito sapagkat ito ay may naitutulong sa atin at sa ating kapwa.

Isang magandang pagnilayan po tungkol rito ay ang katotohanan na ang mahal na birheng Maria ay nagbitiw nang mga pangako sa mga taong magdarasal nito. Ito po ay hindi mga pangakong walang kabuluhan kundi ito ay mga malalaking grasya na makakatulong ng malaki sa ating buhay pananampalataya. Hayaan niyo pong isa-isahin ko ang mga bagay na ito:

Una, nangako si Maria na ang lahat ng magdarasal nito ay bibigyan niya nang espesyal na protekyon at mga dakilang grasya.
Pangalawa, ang lahat nang magsusumikap na magdasal nito ay makakatanggap nang  mga grasyang humahalintulad sa mga tanda.
Pangatlo, ang Rosaryo ay isang pananggalang laban sa impyerno. Makakasira nang mga bisyo, makakapag-adya sa kasalanan, at makakapagtanggal nang mga maling turo.
Pang-apat, ang rosaryo ay makakatulong na mapaglago ang mabubuting asal at mabubuting gawa nang isang tao.
Panglima, ang mga taong magtitiwala kay Maria sa pamamagitan nito ay hindi mawawala.
Pang-anim, ang sinumang magdedebosyon sa Santo Rosaryo at magninilay nang husto sa mga misteryo nito ay hindi malalamon nang kamalasan. Magkakaroon nang pagbabalik-loob ang mga makasalanan at ang mga mabubuti ay tatanggap nang buhay na walang hanggan.
Pang-pito, lahat nang totoong magdedebosyon sa pagdarasal ng Santo Rosaryo ay hindi mamatay nang walang tinatanggap na sakramento nang simbahan.
Pangwalo, ang lahat nang magdarasal nito ay, sa kanilang buhay at sa katapusan nito ay mapapasailalim sa liwanag ni Kristo at makikihati sila sa mga tinatamasa nang mga banal sa kalangitan.
Pang-siyam, nangako si Maria na ang lahat nang magdarasal nito ay ipag-aadya niya sa purgatoryo.
Pang-sampu, ang mga anak ni Maria sa pamamagitan nang Rosaryo ay makatitikim nang kaluwalhatiang dulot nang langit.
Pang-labing-isa, ang lahat nang hilingin ninyo sa pamamagitan nang Santo Rosaryo ay inyong kakamtin.
Panglabindawala, lahat nang magpapalaganap nang debosyong ito ay bibiyayaan ni Maria nang tulong sa lahat nang kanilang pangangailangan.
Panglabintatlo, ang lahat nang magdarasal nito ay pinangakuan ni Maria na ipagdarasal nang lahat nang nasa kalangitan.
Panglabing apat, ang lahat nang magdarasal nang Rosaryo ay kanyang mga anak, at kapatid ni Kristo.
Pang Labinlima, ang pagdarasal nang Santo Rosaryo ay isang espesyal na tanda nang mabuting kahahantungan.

Ang mga pangakong ito po ay ilan lamang sa mga grasyang handang ipagkaloob ni Maria at ang mga ito po ay pinapatunayan nang mga taong pinagpakitaan niya. Ang mga ito po ay hindi gawa nang tao kundi mga tunay sa sinabi ni Maria kaya naman tunay na isa ito sa mga pinapahalagahan natin bilang Kristiyano.

Marami pa pong revelasyon ang ipinahayag nang maraming Santo tungkol sa Santo Rosaryo kaya naman ganoon na lamang ang pagdedebosyon nang mga relihiyoso at relihiyosa dito.

Ngayon naman po, bukod po sa mga pangako ni Maria sa mga magdarasal at magdedebosyon sa Santo Rosaryo, hayaan ninyong ibahagi ko ang ilan sa aking mga nalalaman na sa akin pong palagay ay magbibigay sa inyo nang interes tungkol sa Santo Rosaryo.

Ayon po sa aking mga natutunan, ang Santo Rosaryo po ay makatutulong upang mas makilala natin ang mahal na ina. Sa bawat misteryo po ay makikita kasi natin ang malalim na relasyon nang Mahal na Ina sa kanyang anak na si Hesus. Sa bawat pagninilay po natin sa mga misteryo ay, bukod sa napaparangalan natin si Maria, ay mas lalo pa natin siyang nakikilala.

Bukod po dito, ang Santo Rosaryo ay isang instrumento nang pagbabalik loob. Marami na pong pangyayari sa mundong ito ang nabigyan nang konkretong biyaya nang Santo Rosaryo. Marami pong giyera ang nahinto dahil sa pagdarasal nang rosaryo. Isa na po dito ay dito mismo sa ating bansa. Noong nagkaroon ng People Power Revolution na nagkasama sama ang mga pilipino na pinangunahan ng mga pari at madre habang may hawak na rosaryo. Marami na rin pong ganitong pangyayari sa ibang bansa.

Mahalaga rin pong makita natin ang kahalagahan nang maayos na pagdarasal nito. Sinasabi po na sa bawat isang aba ginoong maria na ating sinasambit ay isang rosas ang ating ipinapadala kay Maria kaya naman dapat ay maging maayos ang ating pagbigkas nang mga ito para maganda at mabangong rosas ang matanggap ni Maria mula sa atin. Kahiya hiya po na magbigay tayo nang pangit na bulaklak sa ating minamahal. Ganoon din po kay Maria. Wag natin siyang bigyan nang pangit na bulaklak dahil sa ating pagmamadali sa pagdarasal.

Isa po sa magagandang dapat nating tandaan tungkol sa Santo Rosaryo ay ito po ay mainam na ating dasalin nang sama sama. Ang sabi nga po, “the family that prays together, stays together.” Ayon po sa isang librong nabasa ko, kung gaano daw po karami ang nagdarasal nang Santo Rosaryo ay ganoon din daw po karami ang dinarasal nang isa sa mga ito. Halimbawa po, tayong lahat na nandirito. Kung gaano po tayo karami ay ganoon din karami ang dinarasal ng bawat isa sa atin. Kung tayo po ay isang daan, ako po sa sarili ko ay nagdarasal nang isandaang rosaryo. Para pong sa misa, kung gaano karami ang paring nakikimisa ay ganoon din karami ang misang ating dinadaluhan. Maganda po na magnilay nang taimtim at mag-isa habang dinarasal ang Santo Rosaryo sapagkat dito po natin mapapalalim ang ating personal na ugnayan kay Maria at Hesus, pero mas maganda at mas kalugud-lugod po kung atin itong ibabahagi sa ating kapwa.

***


Para po sa akin, malaking bagay po ang Santo Rosaryo, hindi lamang sa mga Pari, Relihiyoso at relihiyosa, at sa aming mga magpapari mahalaga ang Rosaryo, kundi pati na rin sa inyo, sapagkat dito at sa pamamagitan nito ay ating mapararangalan ang kabanalang ipnakita ni Maria sa pamamagitan nang kanyang walang pag-aalinlangang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kung paano po ako tinutulungan ni Maria sa buhay seminaryo, gayun din naman po, sinisigurado kong kayo’y tutulungan din niya sa buhay ninyo. Ako po sa sarili ko ay nangangako na ipagdarasal ko kayo, habang nagdarasal nang Santo Rosaryo, nang sa gayon ay kayo’y maging mga kapatid ko sa pamamagitan nang ina natin na si Maria. (written for my sharing at St. Isidore Parish for the end of the Rosary Month October 28, 2016)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento